Nakakainis. Ang salitang aking nasambit nang gisingin ako ng isang umagang pumukaw sa aking pagninilay-nilay sa kabilang mundo ng aking pagkatao - sa panaginip. Nang maulinigan ang maiing-ing na tunog ng telepono sa ilalim ng unan na nagbabadyang oras ng aking paggising, ang siyang nagputol sa kapanapanabik na pagtatagpo namin ng lalaking aking kinasasabikang makita at makasamang muli kahit sa panaginip man lamang ay nagwakas sa isang panghihinayang na sandali.
Sa aking panalangin ay palagian kong ipinakikiusap sa Panginoon na ikamusta niya ako sa aking tatay at iparating na mahal na mahal ko siya. Noong ibulong ko ito ay sa panaginip niya ito idinaan. Masayang – masaya ako nang maganap ang pangyayaring iyon, bitin man sa pakiramdam ay ayos na rin, ang mahalaga ay sigurado ako na naririnig ng Panginoon ang aking dasal at alam ko na sa susunod na pagkakataon ay hindi na ako mabibigo. Kalakip ng panaginip na iyon ang siya ring pagbalik sa aking isipan ng mga ala-alang iniwan niya sa amin, ang pagharap namin sa buhay na hindi siya kasama at kung paano namin natanggap ang kanyang paglisan.
Paalam na pala.
Sa labas ng hospital, habang naghihintay sa resulta ng lagay ng aking ama ay hindi ko akalaing ang sandaling iyon ang makapagpapalumbay sa aking pagkakaupo nang mabanaag ko ang pag-iling ng doctor habang kausap ang aking ina. Wala na pala si tatay, ang ibig sabihin ng aking nakita. Hindi ako makapasok sa loob, hindi ko kayang tanggapin na sa isang saglit ay wala na siya.Hindi makapaniwala, ni hindi makalapit at tanging pagpatak ng luha sa malamlam kong mga mata ang naging batayan kung ano ang nararamdam ng aking puso nang mga oras na iyon. Dumaan ang mga araw, pinipilit kong maging matatag, ayaw ko na muling umiyak dahil iniisip ko na baka pinagmamasdan ako ni tatay at maghirap lamang ang kanyang damdamin kung makikita niya akong malungkot. Hanggang sa natanggap ko na rin na wala na siya. Inisip ko na lang na nangibang bansa siya nang walang balikan, sa ganitong paraan ay nababawasan ang aking pagdadalamhati. Sa tuwing namimis ko ay iniisip ko na lang ang masasayang araw na aming pinagsamahan.
Ala-ala ng lumipas.
Dalawa at kalahating taon na ang nakakalipas nang kami ay iniwan ng aming ama, hindi dahil sa ayaw na niya kung hindi ang kanyang tadhana ay tila nagwakas na. Mula nang siya ay bawian ng buhay, magpasahanggang ngayon ay sariwa pa sa aking mga ala-ala ang mga panahong ginugol niya sa amin bilang isang mabuting ama.
Isang mapagmahal, maunawain, masayahin at makatarungang lalaki ang aking ama. Tandang-tanda ko pa noong aking kabataan, lagi niya akong isinasakay sa kanyang likuran, binibilhan ng mga paborito kong pagkain, lalo’t higit ang pasalubong na salad tuwing uuwi galing sa trabaho ay kasama ring umuuli sa aking ala-ala . Ang mga kulitan at mga kwento niyang katatawanan na aming pinagsasaluhan ay naglalaro pa rin sa aking isipan, at kung minsan pa nga ay naikukwento ko ito sa aking mga kaklase at kaibigan. Ang malaking duyan na kanyang ginawa ay hindi ko rin makakalimutan na sinasakyan namin ng aking mga kaibigan habang kami ay inuugoy niya. Lagi ko ring pinagmamasdan ang litratong kuha noong ako ay nasa Kinder Garten habang ako ay sinasabitan niya ng medalya. Mahilig din siyang magpabunot ng buhok sa ulo, sa kili-kili at sa baba. Lahat ng mga ala-alang iyan ay labis kong kinasasabikan. Talagang naramdaman ko ang saya sa piling ng isang ama.
Hindi lang siya mabuting ama, makatarungan pa. Lagi niyang ipinaparamdam kung gaano kami kahalaga sa kanya, na oras na may mangyurak sa amin ay hindi siya makapapayag na gawin ng iba sa amin, ipagtatanggol niya kami sa paraang alam niya. Ngunit kapag kami naman ang nagkamali ay humanda na sa disiplinang walang humpay, tiyak ang puso mo’y tatalon sa pagsisisi. Sa mga salitang kanyang bibitawan ay siguradong kukurot sa iyong puso at tatatak sa isipan na hindi na muling gagawin pa. Tandang-tanda ko pa nga noong minsang ako ay napagalitan dahil hindi ako nagpaalam nang pumunta kami ng aking mga kaibigan sa gubat upang doon maglaro ay labis kong ikinatampo sa kanya. Sa bandang huli ay napagtanto ko ring mali ang aking ginawa at tanging kapakanan ko lamang ang kanyang inisip.
Ang disiplina ng isang ama sa kanyang mga anak ay talagang napakamakapangyarihan. Sa tuwing gagawa ako ng mali ay nagdadalawang isip ako dahil alam kong hindi ito magugustuhan ng aking ama kung siya ay nabubuhay pa. Napakabuti niya at talagang maipagmamalaki ko siya sa kahit na sinuman. Sa maniwala kayo at sa hindi, kahit siguro sinong anak ay magugustuhan siyang maging ama, at kung sinumang babae ang magmamahal sa kanya ay hindi magsisisi.
Kung minsan nga naiisip ko na mas maswerte ako kaysa sa aking mga kapatid dahil pakiramdam ko na ako ang laging napapaboran. Noong nawala na siya ay doon ko lang napagtanto na ang daya-daya ko pala dahil mas lagi kong nakukuha ang atensiyon ni tatay. Lalo na sa dalawang bunso kong kapatid, naaawa ako sa kanila dahil napakabata pa nila para mawalan ng amang huhubog sa kanilang pagkatao sa kanilang paglaki. Kaya ngayon ay talagang ipinaparamdam ko mahal na mahal ko ang aking ina at mga kapatid na sila ring labis na nagdalamhati sa pagkawala ng nag-iisang haligi ng tahanan.
Hinagpis ng isang ina.
Kung sino man ang mas labis na naapektuhan sa aming lahat, iyon ay walang iba kung hindi ang aming ina. Minsan nga niisip ko na sana ako na lang ang nawala para sana hanggang ngayon may tatay pa ang mga kapatid ko at sana hanggang ngayon ay may katulong pa rin ang aking ina sa pagtataguyod sa pamilya. Ang aking ina na labis na nasaktan sa paglisan ng kanyang katuwang sa buhay ngayon ay unti-unti ng natatanggap ang pagkawala ng kabiyak sa buhay.
Simula nang mamatay si tatay ay madalas na mapag-isa at tulala ang aking ina, marahil hindi pa makapaniwala na ang dating laging kaagapay sa lahat ng bagay ay tila naglaho na. Tanging ala-ala at pagmamahal ang sa kanya ay iniwan, na sa kahit sa huling sandali ng kanyang buhay ay nananatiling tapat ang pagmamahal sa kanya.
Hindi man nagkukwento kung gaano na niya namimis si tatay ay mawawari mo sa kanyang mga mata ang kalungkutan na nararamdaman. Siguro mas minabuti niya na manahimik na lang kaysa mandamay pa sa nararamdaman dahil alam niyang mahahawa lamang kami ng kanyang kalungkutan. Ngunit ganon pa man patuloy siyang nagiging matatag para sa amin. Kahit wala na si tatay ay ginagampanan naman niya ng doble ang kanyang obligasyon. Kaya naman ayaw kong magkakasamaan kami ng loob nang sa ganon ay masuklian ko ang pagmamahal at malasakit niya sa amin.
Sakripisyo ng isang kapatid.
Hindi ko rin matatawaran ang kadakilaang ginawa ng aking kuya. Siya ang sumusuporta at nagpapa-aral sa akin. Malaking opurtunidad ang nakuha niyang trabaho nang siya ay nangibang bansa at ito rin ang naging dahilan ng hindi niya pag-uwi sa libing ng aming ama dahil sa oras na bumalik siya sa Pilipinas ay tuluyan ng mawawala ang kanyang pinaghirapan. . Talagang labag sa loob ang kanyang naging desisyon pero ginawa niya pa rin para matupad ang kanyang pangarap sa amin na magandang buhay. Sa kaarawan ng libing tanging ang telepono lamang ang naging koneksiyon niya sa aming ama. Sa huling sandali ng buhay ng aking ama ay tanging bukas na telepono ang naging daan upang marinig ang lahat ng anumang kaganapan sa araw na iyon. Isang mensahe ang kanyang iniwan, na patawarin siya kung hindi man siya nakauwi, nangako ring hindi kami pababayaan ano man mangyari at sinabing mahal na mahal niya ang aming ama.
Isang mabuting kapatid. Kapatid na dapat tularan at pahalagahan, sapagkat kahit kanyang kaligayahan ay isinakripisyo para sa pamilya. Saludo ako sa aking kuya na walang sawang tumutulong sa amin.
Magkikita rin Tayo
Noong nawala siya, pakiramdam ko ang malas malas ko na, kasi yung iba may tatay, ako wala na. Na kawawa naman ako dahil tuwing naaalala ko siya at sa tuwing gusto ko siyang makita ay hanggang sa panaginip na lang ang lahat nangyayari. Pero napagtanto kong mapalad pa rin ako at dapat ipagpasalamat dahil kahit sa panaginip lang ay nagkikita pa rin kami. Ngayon sa tuwing dumarating ang mga pagkakataong kinahahabagan ko ang aking sarili, iniisip ko na lang na may mas malungkot pa kaysa sa akin, na wala lang itong nararamdaman ko kumpara sa ibang taong halos lahat ng problema at pagkabigo sa buhay ay nararanasan. Ngayon ang mahalaga sa akin ay kung paano ko paghahandaan ang muli naming pagkikita, na sa pagkikita namin ay marami na akong mga kwentong ibabahagi sa kanya at ipagmamalaki. Kaya naman labis akong nagpapasalamat sa aking ama sa pamanang iniwan niya sa akin, ang pagmamahal at mga ala-alang pinaka-iingatan ko. Mahigit pa sa ginto o anumang salapi ang katumbas ng lahat ng iyon. Balang araw, umaasa akong kong magkikita-kita rin kaming buong pamilya, “alam kong nandyan ka lang, naghihintay”.
Mapalad ka kung ang pinangarap mong buhay ay siya mong nakakamtan ngayon. Masaya, kumpleto, hindi salat sa buhay, masuwerte sa mga kaibigan at may mga tunay na nagmamahal. Di ba para ka ng nanalo sa lotto? Pero hindi naman pwedeng ang lahat ay para sa isang tao lamang, kasi nga laging sinasabi na walang perpekto. Hindi pwedeng lagi ka na lang masaya, hindi pwedeng lahat ng gusto mo ay nakukuha at kung minsan hindi mo pwedeng sabihin sa isang tao na sa iyo siya habang buhay, dahil lahat ay may katapusan. Masisi mo ba ang Diyos sa pagkawala ng mahal mo sa buhay? Ang pagkakaalam ko hiram lang natin ito at ano mang oras, kailan man niya gustong kuhanin ay wala tayong magagawa, kaya wala tayong dapat ikatampo. Masakit man, ganoon talaga ang buhay! Sabi nga ng iba, pana-panahon lang yan!. Hintayin mo ang sayo. Pansamantala lang ang lahat sa mundo, kaya habang nasa iyo pa, gamitin mo na, pahalagahan at mahalin para kapag nawala na hindi mo masasabing nasayang lang at walang pagsisisi sa bandang huli.
Salamat sa bitin na panaginip, naisulat ko ito.